Martes, Enero 20, 2015

Ipis

Gabi,ang natatanging panahon na maituturing na pagkakataon  para sa nilalang na katulad ko,ang magbutingting o magliwaliw,saliw ng magigiting na ilaw sa lungsod,mahalimuyak na amoy mula sa ilalim ng lababo o mga salit ng alikabok na nakayakap sa pader,mapabanyo man o mapabodega,o mas angkop siguro kung sa bodega,na kung di mamalasin ay walang magbuga ng nakalalasong usok mula sa mga higanteng nilalang na malalaki ang mga talampakan na magdudulot sa amin ng katapusan.Hindi ko alam kung gaano kami karami,pero magiging tama ang akala kong mas nakahihigit kami kumpara sa mga higanteng nilalang na lubos ang pandidiri sa amin.Kung minsan,wala akong tiwala sa lakas ng pang-amoy ko sa alam kong pagkain,dahil karamihan sa kasamahan ko ang napahamak na  dahil sa paghanap sa naamoy nilang pagkain.
                            Noong maliit pa lamang ako,hindi ko makilala kung sino ang nagluwal sa akin,dahil isaandaang porsyentong magkakamukha ang lahi namin na hindi katulad ng mga higanteng nilalang na tumatapak sa kanila gamit ang termino nilang “tsinelas”.Hindi ko lubos maintindihan ang aming mundo na binabalot ng mga higanteng iyon na may malalaking talampakan,at hindi ko rin lubos maunawaan kung bakit ganun na lang ang pandidiri nila sa mga katulad namin,dahil kung tutuusin,malinis naman ang aming mga kinakain.At heto,balik sa dating gawi,lumalatag na ang dilim,ito ang tamang panahon dahil nakapagtatago kami sa kung saan,at siguro kung seswertehin ay walang matapakan sa mga kasamahan kong nagsisigala,o  di kaya ay makatapak sa akin.Hindi ko alam ang pakiramdam ng natapakan,pinalo,o ang makasinghot ng nakalalasong usok,ngunit sabi ng kasamahan kong nakaranas ng ganoong bagay,masakit daw talaga.Parang gugustuhin mo na rin daw mamatay kung nakalanghap ka ng usok na yon na kung di ako nagkakamali sa pandinig ay isang “baygon”’.Ngunit kahit papaano sa sandaling itatagal ko sa mga oras na ito,nagagawa rin pala namin takutin ang mga higante na iyon,basta ilalabas mo lang ang nakadikit sa likuran mo o pakpak siguro para sa lahi namin,sabay talon sa kakaibang mukha ng mga higante.Nakakatawang panoorin kapag nagaaringking na sila sa sobrang pandidiri,pagkatapos ay nakatanaw lang ako sa kanila matapos ko ulit umulit ng isang talon.
                         Minsan,sa pagtatapang tapangan kong maglakad sa mga panahong may araw pa,napansin kong hindi parehas ang itsura namin sa mga higante,mas maganda at perpekto ang itsura namin kaysa sa kanila,na may perpektong antena na nakadikit sa aming mga ulo,at mas mainam tingnan ang ulo namin dahil maliit.At higit sa lahat na pinakagustong gusto ko sa lahat,ang nakadikit sa aming mga likod o di kaya pakpak na isa sa pinakamagandang regalong inihandog sa amin ng Diyos.Hindi katulad ng mga awra nilang mabagsik na nakatingin sa amin o kaya mga nakangising mukha na magbibigay premonisyon sa amin na iyon ang posible naming maging katapusan.Kung ako lang talaga ang papipiliin,sana may bukod na mundo para sa amin,para sa mas masayang pamumuhay katulad ng pagtutusukan ng aming mga antena,na talaga namang malakas ang kiliti sa ulo ko,ngunit pinanganak na ata kaming malas,kasama ang mga nilalang na ito,na walang ginawa kundi pagbuntunan kami  ng galit dahil sa kami raw ang naglilikha ng dumi sa kanilang tahanan para sa kanila,dahil mabango naman ang halimuyak niyon para sa amin,sa mga pang araw araw na ginagawa nila na wala namang katuturan,na kung may katuturan man ay walang saysay sa amin dahil hindi naman nila kami sinasama sa pagtatagumpay nila,sa halip tinatapakan pa.Iniisip ko nga minsan sa aking pagiisa,nilikha ba kami para patayin?wasakin?paglaruan?paluin ng “tsinelas”?pasinghutin ng nakalalasong usok?napakasama ng mundo para sa amin,na kung iisipin ay walang kasing sama ang mga higante kung ikukumpara sa amin,sana hindi nalang kami lumitaw sa mundong ito o kung lilitaw man,ay gawing kauri nalang kami ng mga higante.Sa mga oras na ito kahit pagkakataon naman ito sa amin para magliwaliw,mas gusto kong makamit nalang ang katapusan gamit ang napakaliit na ilog sa paglanghap ng nakalalasong usok,para iglap lang at tapos na.Tapos na naman ako sa pagiisip ko,pupunta na ako sa maliwanag at mabahong bahay na kumikinang sa sobrang linis,mas mapapadali doon ang buhay ko,ayokong mamuhay sa panahong walang puwang para sa mga katulad ko at katulad namin.Hindi nga ako nagkamali,walang pangingiming humarap ako sa liwanag ng kanilang ilaw,sumalubong agad sa akin ang nakalalasong amoy.Wala ngang kasing sakit,tumuklab ang pakpak ko at nagsimulang mataranta,naghahanap ako ng hininga dahil hindi ako makahinga.Ang layo layo na ng natatakbo at natatalon ko,naghihiyawan na ang mga higante sa paligid ko pero gustong gusto ko na talaga mamatay.Hanggang sa may tumama sa buong katawan ko,malakas ang suspetsa kong siguro  ay tsinelas iyon ng higante.Sa wakas,mamatay na ako,lalayo na ako sa masamang lugar na ito,na walang respeto sa katulad naming malilit,pero wala na akong paki alam sapagkat hinding hindi ko na mararanasan iyo,kahit kailan.

                                       

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento